CAUAYAN CITY – Naglagay ng Express o Fast Lane ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa kanilang emergency room bilang paghahanda ngayong Semana Santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Chief ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sinabi niya na pinaghahandaan na nila ang mga sakunang maaring mangyari ngayong holy week pangunahin ang mga emergency cases.
Inaasahan nilang may mga aksidente, hypertension, stroke maging ang drowning incident kaya sila naglagay ng exclusive lane sa kanilang emergency.
Maliban dito ay nagdagdag din sila ng personnel upang makaagapay sa inaasahang bilang ng pasyente.
Tiniyak ni Dr. Baggao na handang-handa ang CVMC sa mga ganitong sitwasyon dahil taunan naman nila itong isinasagawa.
Pinayuhan naman niya ang publiko na gunitain ang Semana Santa bilang isang banal na mga araw at iwasan na ang pag-inom ng nakalalasing na inumin at pagkain ng mga matatabang pagkain upang makaiwas sa sakit at aksidente.











