
CAUAYAN CITY – Muling lumobo ang COVID-19 patients na nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, sinabi niya na naitala ngayong araw ang record high na 110 COVID patients.
Sa naturang bilang ay 96 ang confirmed at nangunguna pa rin ang lalawigan ng Cagayan na may pinakamataas na kaso na umabot sa 55.
Ang mula naman sa Isabela ay 24 habang 13 sa lalawigan ng Kalinga.
Nakapagtala naman ng 14 na suspect patient at 8 ang mula sa Cagayan, 3 sa Isabela, 2 sa Kalinga at isa sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ang mga mild cases ay nasa bagong quarantine facility ng CVMC na ginawang pre-discharge station kung saan nanatili ang mga pasyenteng nasa recovery stage na.
Karamihan sa mga pasyente ay nasa edad 60 na pawang may comorbidity.
Sa ngayon ay 44 na ang mortality ng CVMC at nasa sampung libo ang COVID-19 patients mula ng pumutok ang usapin ng COVID-19 noong nakaraang taon.










