CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Cagayan Valley Medical Center na hindi sa kanilang testing center nadedelay ang mga specimen samples.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthwe Baggao ng CVMC, sinabi niya na hindi sa testing center nadedelay ang mga specimens kundi sa mga pinanggagalingan na ng mga ito natatagalan.
Aniya hindi kaagad dinadala sa testing center ng CVMC ang mga specimen kaya matagal bago ito masuri.
Ayon kay Dr. Baggao, hindi dapat isisi sa CVMC ang mga delay dahil bente kwatro oras ang operasyon ng kanilang testing machines at umaabot sa isang libo ang kanilang nasusuri kada araw.
Hindi maaantala sa testing center ang mga specimens lalo na ang mga specimens ng mga mortalities o mga pinaniniwalaang namatay dahil sa covid 19 dahil pinaprayoridad ang mga ito upang kaagad na mailibing kapag nalaman na positibo sa virus.
Upang maaccommodate ang maraming specimen na dinadala sa kanilang testing center ay muling magdaragdag ang pamunuan ng CVMC ng isa pang testing machine sa susunod na linggo.
Kapag nadagdagan ang tatlong machines ay mahigit isang libo na ang kayang masuri ng testing center sa isang araw.