CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng Cagayan Valley Medical Center ang mga mamamayan na iwasan muna ang mga social gatherings sa mga nalalapit na holiday season upang maiwasan ang virus na COVID 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, ang Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya maraming paraan para ipagdiwang ang pasko hindi lamang sa mga social gatherings.
Aniya nasa tradisyon na ng mga pinoy ang pagdiriwang ng pasko sa pamamagitan ng pagkukumpulan ng mga magkakapamilya pero aniya kailangang mag ingat ang lahat at iminimize na lamang umano upang maiwasan ang virus.
Iba na umano ang panahon at kailangang maghigpit sa mga health protocols at para rin ito sa kapakanan ng lahat.
Iminungkahi ni Dr. Baggao sa mga mamamayan na dadalo sa simbang gabi na sa online na lamang manood pati na sa TV o makinig sa radyo tulad sa Bombo Radyo Cauayan upang maiwasang magpunta sa kumpulan ng tao.
Aniya inaasahan nang maraming tao ang magdadagsaan sa mga simbahan para sa simbang gabi dahil tradisyon na ito ng mga pinoy lalo na ang mga katoliko.
Ang kahalagahan aniya ay ang sinseridad ng isang tao kahit ang misa ay pinapanood lamang sa telebisyon o pinapakinggan sa radyo.
Samantala ayon kay Dr. Baggao, malaki ang ibinaba ng mga naitalang nagpositibo sa virus na nakaadmit sa CVMC.
Halos kalahati ang natira sa mahigit apatnaput anim, kahapon ay nasa dalawamput siyam na lamang ang natira na confirmed at suspect patients na nakaadmit sa ospital.