--Ads--

Mariing pinabulaanan ni Cynthia Villar ang alegasyong inaagaw niya ang isang lupain sa Bacoor, kasunod ng ulat hinggil sa umano’y pagkuha ng isang 2.5-ektaryang property sa Barangay Molino 6.

Lumabas ang isyu matapos ang isang ulat na umano’y sinimulan noong 2023 ang pag-angkin sa nasabing lupain, kung saan sinasabing naapektuhan ang ilang residente at kanilang mga ari-arian.

Sa inilabas na pahayag nitong Linggo, iginiit ni Villar na wala siyang kinalaman sa sinasabing land grabbing at binigyang-diin na bilang dating mambabatas, ipinagbabawal sa kanya ang makisangkot sa negosyo o anumang transaksyon habang siya ay nasa puwesto.

Ipinaliwanag din ni Villar na ang tinatawag na “Moonwalk Property” ay matagal nang pag-aari ng Moonwalk Development and Housing Corporation, at nanatili sa kumpanya sa loob ng mahigit 38 taon hanggang 2022. Aniya, bago pa man ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Law noong 1988, na-reclassify na ang lupa bilang non-agricultural.

--Ads--

Dagdag pa niya, umabot na sa Office of the President ang usapin kaugnay ng CARP coverage, kung saan pinagtibay umano noong Hulyo 7, 2021 ang desisyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pabor sa nasabing kumpanya.

Noong Hunyo 3, 2022, sinabi ni Villar na nailipat ang pagmamay-ari ng lupa sa Fine Properties, Inc. sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement.

Nanawagan si Villar sa publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa aniya’y kulang na ulat. Binalaan din niya ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagpapakalat umano ng maling impormasyon.