CAUAYAN CITY – Pinarangalan ng Department of Agriculture (DA) bilang hall of famer sa pagiging rice achiever ang Cauayan City Agriculture Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Agriculturist Rufino Arcega ng DA Cauayan City na dahil nakamit nila ang pagiging hall of famer ay pinagkalooban sila ng P/500,000.00 halaga ng proyekto na mapapakinabangan ng mga magsasaka sa Cauayan City.
Sinabi ni G. Arcega na noong nakaraang taon ay nakamit nila ang nasabing parangal kung saan napag-kalooban sila ng 2 million pesos na halaga ng proyekto na nakapakinabangan ng mga magsasaka.
Bukod sa pagiging hall of famer ng Cauayan City Agriculture office sa rice achiever award ay mayroon ding mga agriculture extension workers ang nakatanggap ng parangal.
9 na corn achievers extension workers at 6 na rice achievers extension workers ang binigyang ng parangal at nakatanggap ng tig-P/30,000.00 na gantimpala.
Sinabi pa ni G. Arcega na ang pagkamit nila ng parangal ay bunsod na rin ng kanilang pagiging masigasig sa pag-promote sa mga produktong agrikultura.
Inihahanda na ng Kagawaran ng pagsasaka ang magiging susunod na proyekto pangunahin na ang pagkakaroon ng bodega kung saan iimbak ang mga rice subsidy at maaaring gamitin ng mga magsasaka sa panahon ng tag-ulan.




