Hiniling ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Vietnam na huwag hamunin ang desisyon ng administrasyong Marcos na suspindihin ang pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw.
Si Laurel ay isang resource person sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food noong Miyerkules, Agosto 20, na isinagawa kasama ng 2025 national budget hearings.
“I would also like to openly warn Vietnam, please do not try to do this to the Philippines,” aniya.
Tinutukoy ni Laurel ang mga ulat na hiniling ng Vietnam Food Association sa Trade Ministry nito na hamunin ang dalawang buwang suspensiyon ng Maynila bago ang World Trade Organization (WTO).
“We have to protect our farmers. We will do what is needed under the WTO rule, superior to national interest. Under WTO rules, if they really insist, we will find ways not to buy from Vietnam,” paliwanag ni Laurel.
Simula Setyembre 1, sususpindihin ang importasyon ng bigas sa loob ng 60 araw sa hangaring patatagin ang presyo ng lokal na palay at matiyak na ang mga lokal na magsasaka ay hindi mapipinsala sa pagdagsa ng mas murang imported na bigas.
Pangunahin sa pagdinig ng komite ng agrikultura ang mga panukalang amyendahan ang Agricultural Tariffication Act upang palakasin ang regulatory power ng National Food Authority (NFA).
Ang mga amendment ay nilalayong suportahan ang industriya ng bigas at tiyakin ang proteksyon ng consumer sa pamamagitan ng sapat na suplay at matatag na presyo ng bigas.
Sa pamumuno ni Quezon 1st district Rep. Mark Enverga, nagpasya ang House panel na pagsama-samahin ang lahat ng mga hakbang na inihain sa kasalukuyang 20th Congress para sa layuning ito.











