--Ads--

Nagpapatuloy ang pamamahagi ng fertilizer voucher ng Department of Agriculture o DA Region 2 sa mga magsasakang naapektuhan ng Shearline sa nagdaang buwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Technical Director ng DA Region 2, sinabi niya na tapos na ang kanilang pamamahagi ng voucher para sa dry cropping season at ang ipinapamahagi na lamang nila ngayon ay ang voucher para sa mga magsasakang naapektuhan ng pagbaha na epekto ng Shearline sa noong huling bahagi ng 2024.

Sa buwan ng Marso ay magsisimula na ang wet cropping season kaya ito ang kanilang pinaghahandaan.

Aniya may pagbabago naman sa ipapamahaging subsidy sa magsasaka dahil hindi na fertilizer voucher ang ibibigay kundi mga item na mismo tulad ng abono at binhi at hindi na discount voucher.

--Ads--

Ibig sabihin nito ay hindi na magke-claim ang mga magsasaka ng kanilang gagamiting abono sa mga negosyante.

Tiniyak naman ni Dr. Busania na maibibigay ang mga nakatakdang subsidy sa mga magsasaka sa pagsisimula ng susunod na cropping season tulad biofertilizer at soil ameliorants.

Hinikayat naman niya ang magsasaka na agahan ang pagtatanim o iadjust na ang planting calendar upang makaiwas sa mga bagyong nananalasa sa bansa lalo na sa panahon ng anihan para sa wet cropping season.