DA, pinawi ang pangamba ng mga mamamayan sa pagpasok ng Avian Flu
CAUAYAN CITY- Ipapalabas anumang oras mula ngayon ni Governor Faustino Dy III ang executive order na nag-aatas sa mga mayors na taasan ang antas ng surveillance kaugnay sa kaso ng avian flu o sakit sa mga ibon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Isabela Provincial Veterinarian Dr. Angelo Naui na una na silang naggpulong ni Isabela Provincial Administrator Atty. Noel Manuel Lopez upang bumalangkas ng isang EO na inaasahang lalagdaan ni Gov. Dy.
Ayon kay Dr. Naui, layunin ng executive order na mabigyan ng kaalaman ang mga municipal at city mayors sa pamamagitan ng kanilang mga city at municipal agriculturist kaugnay sa pagmamanman sa kinikilos ng industriya ng pag-aalaga ng manok o iba pang mga ibon dito sa Isabela.
Sinabi pa ni Dr. Naui na kumilos na rin ang Department of Agricultre Region 2 sa pamamagitan ng paglalagay ng mga checkpoint sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya at Santa. Praxedez, Cagayan na siyang entry at exit point ng mga magdadala ng manok dito sa rehiyon dos.
Gayunpaman ay tiniyak ng provincial veterinarian na walang dapat ikabahala ang mga taga-Isabela dahil puspusan ang kanilang pagmamanman katuwang ang DA Region 2 sa mga papasok na suplay ng manok sa Lambak ng Cagayan.




