CAUAYAN CITY – Babantayan na ngayon ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang pagpapatupad sa Executive Order 39 na nagtatakda ng price ceiling sa bigas epektibo ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-In-Charge Regional Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na kikilos na ang kanilang bantay bigas team sa iba’t ibang lalawigan sa lambak ng Cagayan kabilang ang Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at Cagayan.
Maliban sa Executive Order 39 ay magiging batayan din sa price ceiling ang Republic Act 7581 (Price Act) na nagbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ring kalihim ng DA na magtakda ng price ceiling sa presyo ng bigas na kabilang sa mga prime o basic commodities.
Simula ngayong araw ay magsusumite ng report ang Bantay Bigas Team na dadaan sa validation para maging batayan sa rekomendasyon kung anong parusa ang ipapataw sa mga retailers o sellers na lalabag sa itinakdang price ceiling.
Dadaan din sa mahigpit na monitoring ang mga millers na magbebenta ng mahal na presyo ng bigas sa mga retailer o sellers kung sakali mang irason ng mga mapapatunayang lalabag ang mahal na angkat sa bigas.
Samantala titiyakin din ng DA na maipapatupad ng maayos ang labeling sa mga well milled at regular rice at hindi brand ang ilalagay ng mga retailers.
Ipagpapatuloy din ng DA ang pagbibigay ng tulong gaya ng voucher, pataba at binhi sa mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) dahil sa inaasahang epekto sa presyo ng palay ng ipapatupad na price ceiling sa bigas.
Kabilang din dito ang mga magsasakang apektado ng bagyong Egay at Goring.
Ang ipapamahaging tulong ay manggagaling sa kanilang quick respond fund na nagkakahalaga ng P163 billion.
Tinig ni Officer-In-Charge Regional Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2.