CAUAYAN CITY – Balak na ipatawag sa Kongreso ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) Region 2, dahil sa kaliwa’t kanang reklamo kaugnay sa pamamahagi ng mga binhi at abono.
Inihayag ni Mayor Kiko Dy ng Echague, Isabela sa ginanap na ugnayang barangay na balak ng kanyang kapatid na si Cong. Inno Dy na ipatawag ang mga opisyal ng DA Region 2 sa kongreso upang masiyasat ang nasabing problema.
Maraming mga magsasaka ang matagal nang nagrereklamo na wala sa listahan ng masterlist ang kanilang mga pangalan at hindi malinaw ang paliwanag ng kagawaran sa reklamo ng mga magsasaka.
Ang mga magsasaka aniyang nagrereklamo ay mayroon namang pangalan sa masterlist ng DA Echague ngunit pagdating na sa kanilang panrehiyong tanggapan ay nawawala na sa listahan ang mga pangalan ng nasabing mga magsasaka.
Ayon kay Mayor Kiko Dy, malala na ang suliranin sa pamamahagi ng mga binhi at abono sa mga magsasaka kaya napag-usapan nila ng kanyang kapatid na si Cong. Inno Dy na ipatawag ang mga namumuno ng DA Region 2 sa kongreso.