CAUAYAN CITY – Iminungkahi ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA Region 2 kay Pangulong Bongbong Marcos na magpatayo ng mas maraming irrigation system sa rehiyon para mas mapataas pa ang produksyon ng palay at iba pang agricultural products sa lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na pangunahing rekomendasyon nila sa pangulo ay ang pagpapalawak pa sa irrigation system sa rehiyon dahil nasa apatnapu’t pitong libong ektarya pa ang hindi irrigated lalo na sa Cagayan, Quirino at Nueva Vizcaya.
Malaking tulong ang pagdagdag sa irrigation system dahil sa production versus population ay napakataas ang sufficiency level ng rehiyon at hindi na problema ang food security pero aabot sa dalawampong rice producing provinces ang umaasa sa rehiyon kaya kailangang magproduce ng mas marami para makatulong sa ibang lugar.
Sa palay o bigas ay 14.5% sa national production ang mula sa rehiyon at nais nila na kung puwede ay madagdagan pa at makakamit lamang ito kung sapat ang patubig para kahit walang ulan ay mapapatubigan ang mga pananim.
Bukod sa pagpapalawak sa irrigation system ay nais din nilang madagdagan ang tulong na naibibigay sa mga magsasaka.
Pagdating naman sa suplay ng baboy ay kailangan na talaga ang tulong ng national at local government dahil lubhang naapektuhan ang livestock sa rehiyon bunsod ng pagtama ng African Swine Fever o ASF.