CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture o DA Region 2 na pinag-aaralan na ang maaring solusyon upang maiwasan na ang pagtatapon ng mga magsasaka ng kanilang aning kamatis dahil sa oversupply.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Mary Rose Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na batay sa isinagawang Organic Agriculture Congress, napag-usapan na ng DA Region 2 at Provincial Agriculture Office ng Nueva Vizcaya ang pagsasaayos sa composting facility na ibinigay ng DA malapit sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT.
Aayusin ang nasabing pasilidad para dito dalhin ang mga ni-reject na aning gulay ng mga magsasaka para gawing organic fertilizer.
Sa pamamagitan nito ay mapapakinabangan pa rin ng mga magsasaka ang nasirang aning gulay pangunahin na ang kamatis.
Aniya highly perishable ang kamatis kaya ang mga buyer ay mas pinipili ang mga magandang kalidad ng kamatis dahil ibibyahe pa nila ito sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Patungkol naman sa pagproseso ng kamatis ay may pasilidad ang DA sa bahagi ng NVAT bagamat may mga inaayos pa bago ito tuluyang mag-operate.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magsasaka na huwag itapon sa kung saan-saang lugar ang mga sirang gulay.
Hinikayat niya ang mga magsasaka na gawing organic fertilizer na lamang ang mga ito upang mapakinabangan
Sakali mang pwede pang pakinabangan ay maaring ipamigay na lamang tulad ng ginagawa ng ilan na ibinibigay na lamang sa mga mamimili sa palengke.