--Ads--

CAUAYAN CITY – Malaki na ang epekto ng sobrang init ng panahon sa mga pananim na mais.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na dahil sa sobrang init na nararanasan ngayon ay mayroon ng mga pananim na mais ang nalalanta sa ikalawang rehiyon.

Delikado anya kapag tuloy-tuloy na walang ulan sa loob ng tatlong linggo na makakaapekto sa mga bagong pananim na mais.

Umaasa naman siya na magkakaroon ng ulan dahil ayon sa weather bureau ay may localized thunderstorms at naideklara na ang panahon ng tag-ulan.

--Ads--

Sa ngayon ay hindi pa nila iniisip ang pagkakaroon ng cloud seeding gayunman ay maari namang magkaroon ng cloud seeding anumang oras dahil nakikita naman ang mga makakapal na ulap sa dakong hapon.

Ayon kay Regional Executive Director Edillo may buffer stock ng binhing mais na itutulong sa mga magsasakang maapektuhan ng tagtuyot ngunit ito ay limitado lamang.

Magpapatulong naman aniya sila sa kanilang punong tanggapan o kay Pangulong Bongbong Marcos kapag mangailangan ng tulong ang mga magsasaka.

Pinayuhan niya ang mga magsasaka na magkaroon ng timing sa pagtatanim kapag may pag-ulan.

Dapat anyang makapagtanim na ang lahat ng mga magsasaka bago ang katapusan ngayong buwan ng Hunyo  upang hindi abutan ng tagtuyot.

Samantala, inihayag pa ni Regional Executive Director Edillo na kasalukuyan na ang pag-pull out nila sa abonong urea na bahagi ng region 2 sa donasyon ng China.

Ang 20,000 metric tons na urea ay ibabahagi sa mga rehiyon ng 2, 3, 4A at region 5.

Bahala anya ang kanilang tanggapan sa pagtransport sa mga ibabahagi sa region 2.

Sa ngayon ay mayroon nang sampong sasakyan na nagkakarga ng abonong urea ang dumating sa ikalawang rehiyon at nakatakdang ibahagi sa mga magsasaka sa mga susunod na araw.