
CAUAYAN CITY – Nakatakdang i-reactivate ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA Region 2 ang kanilang naunang binuong Avian Influenza Task Force sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III ng DA region 2 na bagamat maituturing na Avian Influenza o Bird Flu Virus free ang rehiyon dos ay kailangan pa ring maghanda.
Kasunod ito ng pagkakatala ng Libu-libong namatay na pugo at pato sa Bulacan at Pampanga dahil sa Avian Influenza-Bird Flu Virus na ngayon ay kontrolado na ng pamahalaan.
Sinabi ni Dr. Galang na noong mga nakalipas na taon ay nabuo na ng mga miyembro ng Avian Influenza Task Force mula Municipal, Provincial at Regional levels.
Aniya, magsasagawa sila ng intensive campaign may kaugnayan sa Avian Influenza o birds flu.
Bukod dito ay kanilang sasanayin at i-review ang mga Provincial Veterinarian at mga LGU upang maging handa.
Magkakaroon din sila ng monitoring at surveillance sa mga lugar na may migratory birds at mga poultry farms at kukuha din sila ng mga blood samples.
Kailangan din anyang mag-ingat ang publiko at iwasang katayin ang mga ibon, manok, patu at iba pa na tinamaan ng Avian Influenza o birds flu dahil maari itong makahawa sa tao.










