CAUAYAN CITY – Uumpisahan na ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang pagbibigay ng indemnification o bayad-pinsala sa mga hog raisers na isinailalim sa culling ang mga alagang baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na karamihan sa mga makakatanggap ng indemnification ay mula sa lalawigan ng Isabela at Cagayan para sa mga naapektuhan ng ASF noong nakaraang taon.
Ayon kay Ginoong Edillo, umabot sa 161 million pesos ang halaga ng mga namatay na baboy sa kasagsagan ng pananalasa ng virus.
Habang hinihintay ng DA region 2 ang ipapalabas na pondo ng pamahalaan ay pansamantalang gagamitin ang available na pondo at ang Quick Response Fund para mabigyan ng ayuda ang mga hog raisers na isinailalim sa culling ang mga baboy.
Ang indemnification na ibibigay ng DA region 2 ay maaaring gamitin sa muling pagsisimula ng mga backyard hog raisers na mag-alaga ng mga baboy sa gradual na paraan.
Maaari ring magtungo ang mga may-ari ng commercial farms sa Landbank of the Philippines dahil may programa ang bangko para sa rehabilitation at repopulation ng mga commercial growers.
Ayon kay Regional Director Edillo, mas may kapasidad ang mga private commercial growers tulad sa training at bio-security kaya mas malaki ang kanilang pondo at mas madali ang kanilang pag-uumpisa na muling mag-alaga ng mga baboy.
Inaanyayahan ng DA Region 2 ang mga commercial farms na kung maganda na ang sitwasyon ng ASF sa kanilang lugar ay maaari na silang mag-alaga muli ng mga baboy.
Nais din ng DA na mapadami ang bilang ng mga baka at kalabaw sa rehiyon kaya kailangan ang breeding o artificial insemination upang mapaganda ang kalidad ng mga ito.





