--Ads--

CAUAYAN CITY – Puntirya ng Department of Agriculture (DA) region 2 na magbigay ng dalawang sentinel pigs sa mga hog raisers na naapektuhan ng culling o pagpatay sa kanilang mga alagang baboy na tinamaan ng African Swine Fever (ASF).

Sa naging pagpapahayag ni Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya bilang tulong sa mga hog raisers na muling mag-aalaga ng mga baboy ay magbibigay sila ng dalawang sentinel pigs bilang testing kung wala nang ASF sa mga kulungan ng baboy.

Ayon kay Dir. Edillo, huwag madaliin ng mga hog raisers na muling mag-alaga ng marami upang hindi sila malugi sakaling may mamatay na baboy dahil sa ASF.

Aniya, kung sampu ang dating nasa kulungan ng mga hog raisers ay dalawa muna ang kanilang aalagaan upang hindi malugi sakaling muling tumama ang virus.

--Ads--

Umaasa ang DA region 2 sa tulong mga lokal na pamahalaan upang makapagbigay din ng ayuda sa mga apektado ng ASF sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Dir. Edillo, hindi maaaring wala nang mag-alaga pa ng baboy dahil isa ang karne nito ang kinagigiliwang ulamin ng mga mamamayan.

Kailangang mag-alaga ang mga hog raisers upang magkaroon ng suplay at mapababa ang presyo ng karne ng baboy sa merkado.

Isa ang rehiyon dos sa may mataas na inflation rate dahil sa naitalang maraming kaso ng ASF at lubhang naapektuhan ang presyo ng karne ng baboy.

Kasalukuyan na ang evaluation ng DA region 2 at LGUs sa mga lugar na wala nang naitalang kaso ng ASF sa nakaraang limang buwan at marami na ang kuwalipikado.

Ngayong buwan ng Abril ay iaanunsyo na ng DA ang mga lugar sa Isabela na maaari nang muling mag-alaga ng mga baboy.

Mahigit P22 million na ang naipamahagi ng kagawaran sa mga hog raisers na apektado sa first wave at second wave ng ASF.

Nasa P13 million pesos na ang naipamahagi sa unang quarter ng 2020 sa Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino.

Katatapos lang na naibigay ang indemnification fund sa mga hog raisers para sa fourth quarter noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng mahigit 8 million pesos.

Ayon kay Regional Director Edillo, hindi nila maibigay lahat dahil sa napakaraming naapektuhan lalo na sa Isabela.

Nasa 161 million pesos pa ang hinihintay ng DA region 2 na maipalabas ng Central Office para sa mga apektadong hog raisers.

Ang pahayag ni Regional Director Narciso Edillo