
CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA region 2 sa pamamahagi ng rice Farmers Financial Assistance.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na nag-umpisa silang namahagi ng cash assistance sa mga kwalipikadong magsasakang rehistrado sa RSBSA noong buwan ng Disyembre ng nakaraang taon.
Humigit kumulang tatlong libong magsasaka ang napagkalooban ng kapakinabangan sa Tuao, Cagayan.
Nauna rito ay naantala ang pamamahagi matapos na umatras ang kanilang katuwang na Service provider subalit muli itong ipinagpatuloy ngayong buwan ng Enero sa bahagi ng Tumauini at Cabagan.
Inaasahan ng DA Region 2 na matatapos ang pamamahagi ng Rice Farmers Financial Assistance sa huling linggo ng Pebrero.
Isa sa naging suliranin ng DA sa pamamahagi ng kapakinabangan ay ang limitadong kapasidad ng DBP at partner Money transfer dahil hanggang limampung transaksiyon lamang kada araw ang maaari nilang maipadala para sa unconditional cash transfer ng mga magsasaka.
Ang nakikitang alternatibo rito ng DA ay ang pagsasagawa ng caravan sa mga barangay kung saan doon na rin ipapamahagi ang limang libong cash assistance sa bawat magsasakang kwalipikado at rehistrado sa RSBSA.










