--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinimulan na ng DA Region 2 ang pamamahagi ng abono sa mga magsasaka na nagtatanim ng palay sa lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 sinabi niya na ito na ang pangalawang beses nilang pamamahagi ng abono sa mga magsasaka na ang una ay sa pamamagitan ng voucher na ibinibigay sa mga piling supplier at ipinapalit ng abono ng libre.

Aniya gagamitin muli nila ang voucher system na ginamit sa nakalipas na pamamahagi ng abono.

Unang inilunsad ang pamamahagi ng abono sa bayan ng Iguig, Cagayan na may isang libo at tatlong daang magsasaka na rehistrado sa RSBSA.

--Ads--

Umaasa ang kagawaran na hindi na maulit ang nangyari noon na may mga hindi magsasaka na nakakuha ng libreng abono at may mga nadoble rin ang pangalan kaya doble rin ang nakuha.

Nasa mahigit P900 milyon ang pondong inilaan para sa nasabing programa at hinati ito sa dalawa para sa pamamahagi ng abono para sa wet season at dry season.

Ayon kay Regional Executive Director Edillo ibibigay na ngayon ang mga abono para sa wet season lalo na sa nakahabol o kasalukuyan pa ang tillering sa kanilang sakahan habang ang mga kasalukuyan nang nag aani ay para na sa dry season ang kanilang makukuha.

Ang mga magsasakang inbred rice ang itinanim ay makakakuha ng 2,000 pesos voucher para sa maximum na dalawang ektaryang sakahan habang 3,000 pesos voucher naman ang maibibigay para sa dalawang ektarya nilang sakahan.

Nakadepende na ang presyo ng mga accredited supplier ng abono sa lugar ng mga magsasaka kung ilang sako ng abono ang magkakasya sa kanilang voucher.

Muling nilinaw ni Regional Executive Director Edillo na hindi maaaring iconvert sa cash ang voucher dahil maaaring hindi na ibili pa ng abono ng magsasakang makakuha nito.

Aniya nakalagay sa General Appropriations Act na dapat In-kind o sa pamamagitan ng voucher system ang pamamahagi nito at hindi maaring cash.

Iginiit niya na subsiday lamang ito at kailangan pa ring dagdagan ng magsasaka ang kanyang makukuhang abono dahil kulang ito para sa kanilang sakahan lalo na ang mga malalawak ang tanim lalo na sa mga nagtanim ng hybrid rice.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2.