CAUAYAN CITY – Inalerto na ng DA Region 2 ang mga lokal na taggapan ng Agrikulutura sa Rehiyon dahil sa dumaraming tinatamaan ng Fall Armyworm sa mga palayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Science Research Specialist Mindaflor Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na lumalawak na ang infestation ng Fall Armyworm o FAW dahil hindi na lamang sa Brgy Pateng sa Gonzaga Cagayan ang may naitala dahil maging ang mga kalapit nitong bayan tulad ng Santa Ana at Enrile ay nakakitaan na rin ng pag atake ng mga peste.
Ayon kay Aquino nagpapatuloy ang monitoring ng DA Region 2 dahil kung susumahin aabot na sa labindalawa hanggang labing limang ektarya ng seedbed ng pananim na palay ang apektado ng FAW.
Nagsagawa na ng information dissemination ang DA Region 2 at nagkaroon na rin sila ng virtualeeting sa mga municipal at city agriculturist sa rehiyon upang magkaroon ng close monitoring sa mga seedbeds sa kanilang nasasakupan.
Aniya kapag ito ay mapabayaan ay maaaring matulad ang mga seedbed ng mga magsasaka sa nangyari sa 400 square meters na seedbed ng isang magsasaka sa Sta. Ana kung saan hindi na maaari pang itransplant ang mga ito dahil marami na ang nasira dahil sa pag atake ng FAW kaya inararo na lamang niya at nagsabog muli ng binhi.
Muli namang nagpaalala ang DA Region 2 sa mga magsasaka na agad nang ispray-an ng nirekomendang pesticide o insecticide ang kanilang seedbed kapag nakitaan na ito ng FAW upang hindi mahirap ang pagsugppo sa mga ito.
Aniya pahirapan na ang pagsugpo sa mga peste kapag naitransplant na ang mga pananim na palay.
Hinihintay pa ng DA Region 2 ang resulta ng DNA Sequencing tungkol sa Fall Armyworm.
Hindi pa naman nakakaalarma ang pagkalat ng nasabing peste ngunit kailangan nang maging alerto ang lahat upang maiwasan ang pagkalat nito dahil malaking lugi na naman sa mga magsasaka kung ito ay kumalat na sa buong rehiyon.