
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na walang bayad ang kanilang ipinagkakaloob na food pass sa mga magsasaka at maging ang mga certifications at Inter-agency Task Force (IATF) ID Card sa panahon ng Community Quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na libre ang kanilang ipinagkakaloob na food pass ngunit mayroong requirements na dapat sundin.
Kahapon aniya ay mayroon silang naibigay na 8,800 food pass at 880 certification sa mga kompanya na may kaugnayan sa agrikultura ang kanilang produkto.
Mayroon na rin silang naibigay na IATF ID card na umaabot sa 4,462 magmula kahapon sa mga contractors ng DA na gumagawa ng small water impounding dams, farm to market roads at iba pang farmer individuals na may bukid sa ibang mga lugar.
Sinabi pa ni Regional Executive Director Edillo na hindi na kailangan pang kumuha ng Cerfication mula sa Municipal Agriculture Office o City Agriculture Office ang mga magsasakang magbebenta ng mga produkto sa ibang mga bayan sa ilalim ng umiiral na General Community Quarantine hindi tulad noong panahon ng ECQ na kinakailangan.










