Activated na ang mga research and operations centers ng Department of Agriculture Region 2 para paghandaan ang magiging epekto ng bagyo sa mga pananim sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Monico Castro Jr. Field Operations Division Chief ng DA Region 2 sinabi niya na pinakatinututukan nila ngayon ang magiging epekto ng bagyong Kristine sa pananim na mais.
Batay sa kanilang datos may 98,000 na ektarya pa ng mais ang hindi pa naaani sa rehiyon kaya pinapayuhan nila ang mga magsasaka na anihin na ang mga ito bago pa man ang pananalasa ng bagyo at maiwasan ang pagkasira.
Ang mga hindi pa naman pwedeng anihin lalo na ang mga nasa low lying areas ay maaring gawing sillage o pagkain ng mga alagang hayop tulad ng mga baka o kambing.
Aniya handa ang research centers ng DA sa pagbibigay ng assistance sa makinang gagamitin sa paggawa ng sillage.
Nagpapatuloy kasi ang kanilang orientation at training sa mga magsasaka sa paggawa ng sillage.
Samantala sa pananim na palay naman ay nasa 42% na ang naani at nasa 191,651 ektarya na standing crop.
Nasa 82,470 ektarya ang nasa maturity stage at nasa 97,716 ang nasa roproductive stage habang ang nasa vegetative stage ay aabot pa sa 11,464 na ektarya.
Pinakamarami naman sa mga standing crop ay sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Engr. Castro, habang hindi pa naglandfall ang bagyo ay maaring anihin na ng mga magsasaka ang kanilang mga pananim.