--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinag-aaralan na ng Deparment of Agriculture o DA Region 2 na magsagawa ng massive vaccination kada taon sa mga kalabaw na pinakaapektadong hayop sa sakit na Anthrax.

Plano rin ng DA na magpataw ng penalty sa mga magkakatay ng mga hayop na hinihinalang may sakit na Anthrax upang maiwasan na ang pagkakatay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2, mas nakakatakot ang Anthrax kaysa sa African Swine Fever dahil nakakaapekto ito sa tao kaya kailangan ang mas mahigpit na surveillance at preventive measures.

Plano rin nila ngayong bumuo ng bantay Anthrax na kagaya ng bantay ASF upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

--Ads--

Nanawagan naman siya sa mga magsasaka na namatayan ng alagang kalabaw na maaring dahil sa Anthrax na huwag nang katayin pa dahil maari rin silang magkasakit nito.

Aniya laging may naitatalang kaso ng Anthrax sa bayan ng Sto. NiƱo sa Cagayan kung saan dalawang mag-ama sa nasabing bayan ang nagkasakit matapos nilang katayin ang kalabaw na may sakit na Anthrax.

Sinabi niya na batay sa mga isinagawang pagsusuri ng mga beterinaryo sa specimen samples, positive ang namatay na kalabaw sa Anthrax.

Bago nito ay may apat na kaso nang naitala nitong Setyembre kung saan namatay ang apat na kalabaw mula ika-21 ng Setyembre hanggang nitong ika-7 ng Oktubre.

Aniya hindi kasi agad na inirereport ng mga magsasaka ang pagkakaroon ng sintomas at pagkamatay ng kanilang mga alagang hayop kaya hindi agad na nasusuri at nakakapagsagawa ng interbensyon ang kagawaran.

Hindi rin aniya naiiwasan na kakatayin na lang ng mga magsasaka ang mga namatay nilang alaga dahil nasasayangan sila kaya ibinibenta pa sa kanilang mga kabarangay sa pamamagitan ng uraga system.

Dito na kumakalat ang sakit na Anthrax lalo na at walang naisagawang vaccinations sa nasabing lugar.

Dahil nagkaroon ng human infection ay katuwang na ng DA ang Department of Health sa mahigpit na surveillance dahil nagpakampante ang lahat sapagkat kapag nakakapagtala lamang ng kaso nagkakaroon ng vaccination.