
CAUAYAN CITY – Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) Region 2 at Provincial Veterinary Office ng briefing at culling sa Marabulig 2, Cauayan City kaugnay sa pagkakatala ng kauna-unahang kaso ng Avian Flu Virus sa rehiyon.
Inihayag ni Dr. Manuel Galang, Veterinarian 3 ng DA Region 2 na malakas ang bird flu kaya upang maiwasan ang pagkalat nito ay kailangang i-cull ang mga alaga sa poultry tulad ng mga manok, pato, itik, ganso, kalapati, pugo at iba pa.
Aniya, karaniwang galing ang mga sakit sa mga migratory birds tulad ng mga heron o kannaway.
Hindi lamang ang Region 2 ang nakapagtala ng kaso ng Avian Flu Virus dahil maging ang Region 3, CAR, Region 4A, Bicol Region at Mindanao ay apektado na rin at lahat ng mga ito ay nagpa-cull na ng mga alaga.
Ayon kay Dr. Galang bilang proteksyon sa kalusugan ng mga tao ay kailangang isagawa ang culling.
Iginiit niya na kung lumala ito ay malubha rin ang epekto sa tao dahil parang COVID-19 din ito at malaki rin ang epekto sa ekonomiya.
Napakalaki ng poultry industry sa lalawigan ng Isabela at sa Cauayan City pa lamang ay nasa limandaang libo na ang comercial poultry growers at kung susumahin nasa P200 million at hindi pa kabilang dito ang mga backyard growers na mas prone sa sakit dahil sa kakulangan ng bio-security.
Tiniyak ni Dr. Galang na may kaunting tulong na maibibigay sa mga apektadong breeders tulad ng itlog at mga sisiw na sampong linggo pataas ay babayaran ng P100 bawat isa habang ang mga may broiler ay P60 bawat isa.
Ang mga may alagang panabong naman ay P150 ang bayad ng bawat isa.
Samantala, pinasalamatan ng punong barangay ng Marabulig 2, Cauayan City ang DA Region 2 at Provincial Veterinary Office sa agarang aksyon matapos na makapagtala ng kaso ng Avian Flu Virus sa kanilang Barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Ryan Dennis Delmendo ng Brgy. Marabuli 2, pinasalamatan niya ang DA Region 2, City at Provincial Veterinary Office dahil agad silang umaksyon upang macontain ang virus na kumalat sa kanilang barangay.
Aniya, may mga naipabatid na sa kanya tungkol sa pagkamatay ng mga alagang hayop ng mga residente ngunit ang tanging sinasabi nilang rason ay dahil sa pabago-bagong panahon.
Nang isagawa ang testing sa mga alagang hayop sa nasabing lugar ay napag-alaman na H5N1 Influenza virus na pala ang kumakalat na dahilan ng pagkamatay ng ilang mga alagang hayop ng mga residente.
Nanawagan naman siya sa DA na dagdagan ang tulong na maibibigay sa mga apektadong residente sa 1 kilometer radius ng red zone dahil mababa ang tulong na maibibigay sa kanila.
Hindi naman aniya commerial barangay ang Marabulig 2 kaya ang mga residente ay sa pagsasaka lamang kumukuha ng kanilang ikabubuhay.
Ang unang apektadong lugar sa Marabulig 2 ay ang Purok 7, 6 at 4 at kung pagsasamahin ito ay halos buong barangay na.
Ayon pa kay Kapitan Delmendo, may mga residente ang hindi alam ang tungkol sa avian virus at ang mga namamatay nilang alaga ay kanila pa ring inuulam kaya nanawagan siya sa mga eksperto na paliwanagan ang mga ito.
Pinakiusapan din ni Kapitan Delmendo ang mga residente na huwag nang ilabas ang kanilang mga alagang hayop tulad ng mga manok, itik at pato upang hindi sila mahawaan ng sakit at hindi na kumalat pa sa ibang barangay.










