--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na minomonitor ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA region 2 ang presyo ng mga Agricultural products at karne ng baboy sa Lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na  unti unting bumababa ang presyo ng mga Agricultural products partikular na ang presyo ng gulay.

Aniya puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Local Price Coordinating Council o LPCC na binubuo ng mga Mayors at Governors para mamonitor ang mga negosyante na maaaaring manamantala sa presyo ng mga Agricultural products sa kani kanilang nasasakupan.

Aniya dahil activated na ang mga Local Price Coordinating Council ng mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino ay namomonitor na ng mga LGU’s at ng DA ang presyo ng mga Agriculture products.

--Ads--

Bumaba na rin ang presyo ng baboy sa ilang bahagi ng rehiyon bagamat hindi ito gaanong ramdam sa bahagi ng Isabela na isa sa pinakamatinding tinamaan ng ASF kung saan umabot sa halos tatlumpu’t pitong libo ang culled na baboy mula sa local at commercial hog raisers.

Nakiusap naman ang DA Region 2 sa mga Punong Lalawigan na payagan na ang pagpapapasok ng mga processed meat at pork products sa kanilang nasasakupan.

Pangunahing papel ngayon ng DA ang pagfacilitate sa tustos ng baboy na pumapasok sa Region 2 upang mapigilan ang biglaang pagbagsak ng supply na magreresulta sa pagsipa ng presyo.

Samantala, natalakay sa nakalipas na Virtual meeting ng Technical working group ng DA ang magiging ugnayan ng bawat probinsiya upang maiparating ang supply ng baboy na magmumula sa mga Lugar na hindi infected ng ASF upang matugunan ang kasalukuyang mataas na presyo ng baboy sa mga ASF Infected Areas.

Nakahanay na rin sa mga programa ng DA Region 2 ang repopulation ng baboy sa mga lugar na hindi na nakakapagtala ng  ASF sa nakalipas na limang buwan gayunman naka dipende ito sa magiging pasya ng mga Municipal Veterenary Offices.

Kinakailangan rin na ikunsidera ang pagsasagawa ng malawakang disinfection sa mga kulungan ng baboy sa mga lugar na nauna ng tinamaan ng ASF  bago ikunsedera ang muling pagaalaga ng limitadong o kokonting bilang lamang ng baboy.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2