--Ads--

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang pamamahagi ng mga farm inputs ngayong buwan ng Nobyembre para sa mga magsasaka sa lambak ng Cagayan.

Ayon kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Director ng DA Region 2, bilang tugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, sisiguraduhin na maibibigay na ang mga binhi sa mga Local Government Unit (LGU) hanggang ika-20 ng Nobyembre.

Aniya, makatutulong ang mga farm inputs sa mga magsasaka na nasalanta ng sunod-sunod na bagyo, lalo na ng Bagyong Uwan, na nagdulot ng tinatayang P206 milyon na pinsala sa palay.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Aquino na mayroong mga farm inputs na naka-position mula sa quick response at regular fund upang agad na maipamahagi sa mga nangangailangan.

--Ads--

Bago pa man ang Bagyong Uwan, nagsimula na ang DA sa pamamahagi ng binhi sa mga magsasaka na rehistrado sa RSBSA para sa regular na dry cropping season.

Paglilinaw pa niya, ang mga naapektuhan ng bagyo ay makakatanggap pa rin ng libreng farm inputs kahit hindi rehistrado sa RSBSA, basta ma-validate ng LGU at ng kanilang ahensya.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng mga binhi at farm inputs sa bawat LGU upang maibigay ito sa mga magsasaka sa loob ng limang araw.