CAUAYAN CITY – Dinaluhan ng daan-daang deboto ang solemn dedication ng bagong National Shrine ng Our Lady of the Visitacion sa Guibang, Gamu, Isabela umaga ng February 3, 2023 na pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Nilagyan ng oil o langis ng Papal Nuncio ang altar at pader ng simbahan bilang tanda ng pagbebendisyon upang maging ganap na sagrado ang pambansang dambana ng Birheng Milagrosa ng Guibang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jimmy Marquez, isa sa mga debotong dumalo, sinabi niya na hindi nila alintana ang mainit na panahon dahil ayaw nilang palampasin ang pagkakataong masaksihan ang makasaysayang pagbasbas sa shrine.
Binigyang-diin niya na maliit na sakripisyo lamang ito kumpara sa nagawa ng simbahan sa kaniyang buhay.
Bukod dito ay nakita nila nang personal ang Papal Nuncio at iba pang obispo mula sa iba’t ibang lugar.
Maliban sa mga deboto ay dumalo rin ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Vice Gov. Faustino Dy III at ilang mayor sa lalawigan.
Nagdulot din ito ng bahagyang masikip na daloy ng trapiko dahil isiinara ang kalsada sa harapan ng simbahan at naging pahirapan din ang paradahan sa lugar.
Ngayong araw ay babalik na sa Maynila si Archbishop Brown matapos ang ilang araw na pagdalaw sa Isabela kaugnay ng pagdiriwang ng ika-75 na anibersayo ng Missionaries of La Sallete sa Isabela at sa solemn dedication ng bagong National Shrine ng Our Lady of the Visitacion sa Guibang, Gamu, Isabela.