Patuloy ang paglikas ng mga residente sa lungsod ng Cauayan dahil sa walang tigil na pag-ulan at malakas na hangin na dulot ng Bagyong Uwan.
Batay sa huling tala ng lokal na pamahalaan, 92 pamilya o katumbas ng 344 indibidwal ang unang nagsilikas sa F. L. Dy Coliseum mula sa pitong barangay sa lungsod, kabilang ang District I, District II, District III, Tagaran, San Fermin, Alicaocao, at Cabaruan.
Nagtayo na ng mga tent sa loob ng coliseum ang ilang residente bilang pansamantalang tirahan, habang ang iba naman ay naglatag ng banig upang may mahigaan. Ilan sa mga barangay ay nagsimula nang mamahagi ng libreng pagkain para sa mga evacuees. Napansin din na may mga residente na nagsama ng kanilang mga alagang hayop, tulad ng mga pusa at aso, upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito sa gitna ng masamang panahon.
Bandang alas-5 ng hapon, umakyat na sa 308 pamilya o 1,073 indibidwal ang kabuuang bilang ng mga lumikas. Sa parehong oras, iniulat ng mga awtoridad na hindi na madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge matapos tumaas ang antas ng tubig sa ilog, dahilan upang pansamantalang isara ito sa mga motorista.
Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang sitwasyon at pinaaalalahanan ang publiko na manatiling alerto, iwasan ang mga lugar na binabaha, at makinig sa mga abiso ng mga kinauukulan.
Samantala, bandang alas-nwebe ng gabi, ramdam na ramdam na sa lungsod ang bagsik ng Bagyong Uwan. Ilang signage at tarpaulin ang natumba, habang nasira rin ang ilang basurahan at ilaw sa kalsada dahil sa lakas ng hangin. Nagkaroon din ng panandaliang power interruption sa poblacion area ngunit agad namang naibalik ang suplay ng kuryente.
Sa ngayon, wala pang naitatalang casualties, ngunit nananatiling nakaantabay ang mga awtoridad sa posibleng karagdagang pinsala habang patuloy na nananalasa ang bagyo.
VIA – BOMBO GIRLIE BANIAGA











