

CAUAYAN CITY – Tinatayang aabot sa 300,000 member-consumers ang maapektuhan sa kautusan ng Department of Finance (DOF) na pansamantalang ipatigil ang supply ng kuryente sa Maguindanao Electric Cooperative (MAGECO) at Lanao Del Sur Electric Cooperative (LASURECO) dahil sa kabiguang makapagbayad ng utang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PHILRECA Partylist Representative Presley De Jesus, sinabi niya na matagal nang problema ng MAGECO at Lanao Del Sur Electric Cooperative ang hindi pagbabayad ng konsumo ng kuryente ng kanilang mga member-consumers.
Una na niyang nakausap ang general manager ng MAGECO at sinabing hindi nagbabayad ang karamihan ng kanilang mga member-consumers dahil para sa kanila ay dapat libre ang tustos ng kuryente.
Panawagan ngayon ang panghihimasok sa usapin ng National Electrification Administration (NEA) subalit wala umanong ginagawang aksiyon ang ahensiya kaya didinggin nila ang issue sa 19th Congress.
Hinamon din ng PHILRECA ang mga private distibution utilities na kunin nang libre ang prangkisa ng MAGECO at LASURECO kaysa makipag-agawan sa mga triple A category electric cooperatives.




