Aprubado na sa Kamara sa botong 171 ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na P200.00 sahod sa mga minimum wage earners sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Mas mataas ito sa inaprubahan ng Senado na P100.00.
Sa sesyon ng mababang kapulungan ng kongreso sa plenaryo nitong Miyerkules, 171 kongresista ang bumoto para sa pag-apruba sa panukala, walang tumutol, at isa ang hindi bumoto.
Dahil magkaiba ang bersiyon ng Kamara at Senado sa halaga ng dagdag na sahod, isasalang ang dalawang panukalang batas sa bicameral conference committee para talakayin kung magkano ang magiging dagdag na sahod.
Matapos nito, ipadadala na ang panukalang batas sa Malacañang para pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at maging ganap na batas o maari ring hindi aaprubahan ayon sa veto power ng Pangulo.
Nitong Lunes, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na ipinapaubaya niya sa proseso ang magiging kapalaran ng panulang legislated wage hike na kailangang maipasa bago matapos ang 19th Congress sa June 13..
Samantala, nagpasalamat naman si Senador Migz Zubiri sa mga kongresista sa pagpasa ng Minimum Wage Law na dagdag 200 pesos kada araw.
Ayon kay Zubiri na author ng 100-peso Minimum Wage Hike bill sa Senado, malaking tulong ang pag-apruba sa panukala dahil kailangan ng mga manggagawa ng tulong pinansyal at hindi lang ayuda dahil nagta trabaho ang mga ito para sa kanilang mga pamilya at pangangailangan pang araw-araw.
Hinikayat din ng Senador ang kaniyang mga kasamahan sa senado na kung gustuhin ng mga ito na i-adopt ang bersyon ng Kamara ay maari nila itong gawin o kaya mag panukala ng mga pag-amiyenda.
Inihayag pa ni Zubiri na umaasa siya na magkaroon ng bicam sa lalong madaling panahon upang matalakay ang panukala sa susunod na tatlong araw o bago ang sine die adjournment ng 19th Congress.











