--Ads--

Halos ₱400 kada araw ang nawawalang kita ng mga tsuper at operator ng jeep bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, ayon sa grupong PISTON.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, Chairman ng PISTON, tinatayang nasa ₱390 bawat araw ang nababawas sa kita ng mga tsuper at operator. Sa loob umano ng 25 araw na pamamasada, umaabot ito sa halos ₱24,000 na kabuuang pagkawala sa kita.

Dagdag pa ni Floranda, kung isasama ang mataas na buwis na ipinapataw sa petrolyo, maaari pang umabot sa ₱900 ang kabuuang nawawala sa arawang kita. Aniya, labis ang kanyang pagtataka dahil hindi naman umano nararamdaman ng mga tsuper ang benepisyo ng buwis na kanilang binabayaran at sa halip ay napupunta lamang ito sa korapsiyon.

Dahil dito, pinag-iisipan ng grupo ang muling panawagan para sa dagdag-pasahe. Gayunman, iginiit ni Floranda na kinakailangan ding itaas ang sahod ng mga manggagawa upang hindi sila lalong mabigatan. Patuloy ang kanilang panawagan sa pagpasa ng panukalang itaas sa ₱1,200 ang minimum wage ng bawat manggagawang Pilipino.

--Ads--

Samantala, naging dagdag pasanin din umano ang PUV Modernization Program para sa ilang tsuper at operator. Ayon sa grupo, may mga tumangkilik sa programa na ngayo’y nababaon sa patong-patong na utang dahil sa mataas na gastos sa modernisasyon.

Sa gitna ng mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin at patuloy na pagtaas ng buwis at petrolyo, iginiit ng PISTON na lalo lamang nababaon sa utang ang ordinaryong manggagawang Pilipino.