CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ang isang magsasaka na sumaksak at pumatay sa isang kabarangay dahil sa hidwaan sa isang kanta sa kanilang inuman sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang kapitbahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SSgt Arjay Cureg, investigator ng Quezon Police Station na ang pananaksak ay naganap dakong 10:20 kagabi at kinasangkutan ng isa sa mga bisita ng nagdiwang ng kaarawan na si Marissa Laggui sa Aurora, Quezon, Isabela.
Nag-ugat ang away ng suspek na si Rey Borja, 43 anyos, magsasaka at biktimang si Jun Ramirez, 32 anyos, kapwa residente ng barangay Aurora kung kanino ang isang kanta na naka-play.
Nagalit umano si Borja at sinaksak sa dibdib ang biktima na dinala sa Quezon Community Hospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa malalim na saksak sa kanyang didib.
Tumakas si Borja matapos ang pananaksak at patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.
Sinabi ni SSgt. Cureg na sasampahan nila ng kasong homicide si Borja.
Ang misis umano ng namatay na si Jun Ramirez ay wala pang isang buwan na nagsilang sa kanilang anak kaya labis na nagluluksa ang kanyang pamilya.