Dahil sa pagnanakaw gamit ang tunneling, makikipagpulong ang pulisya sa may-ari ng mga bahay kalakal
CAUAYAN CITY- Makikipagpulong sa susunod na linggo ang Cauayan City Police Station sa mga may-ari ng establisimiento gayundin ang mga gwardya upang hindi na maulit ang naganap na panloloob sa isang supermarket sa District 1, Cauayan City
Inihayag ni Supt. Narciso Paragas, hepe ng PNP Cauayan City na itinakda niya ang pakikipagpulong sa June 20, 2017.
Layunin nito na malaman kung nasusunod ba ang mga protocol sa iba’t-ibang establisimiento lalo na ang kanilang security measure laban sa mga masasamang loob.
Mahalaga aniya na magkaroon ng gwardya na magbabantay sa loob ng 24 oras upang hindi maisahan ng mga kawatan.
Ayon sa pamunuan ng Cauayan City Police Station, mahalaga rin ang pagkakaroon ng high definition na CCTV camera upang mas madaling matukoy ang mga suspek.
Una na ring inihayag ni Supt. Paragas na mayroon na silang suspek na nasampahan ng kaso kaugnay sa panloloob sa isang malaking groserya na nanakawan ng mahigit P300,000.00.




