--Ads--

CAUAYAN CITY – Selos ang pangunahing tinitingnang motibo ng San Mariano Police Station sa pananaga ng isang isang lolo sa kabarangay na kapwa niya 70 anyos sa Ibujan, San Mariano, Isabela.

Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Pablo Tagao, biyudo, magsasaka matapos umano siyang pagtatagain ng suspek na si Casamiro Madela, magsasaka, kapwa 70 anyos at kapwa residente ng naturang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCorporal Jhonimar Baingan, imbestigador sa naturang kaso, sinabi niya sa lumabas sa kanilang pagsisiyasat na pauwi na si Tagao galing sa kanyang sakahan nang siya ay yayain ng stepson ng suspek na makipag-inuman sa kanila.

Habang sila ay nag-iinuman ay dumating umano ang suspek at kumuha ng  itak at pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

--Ads--

Agad na dinala sa San Mariano Community Hospital si Tagao at kalaunan ay inilipat sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Lunsod ng Ilagan.

Ang suspek ay dinakip ng mga sundalo na nagsasagawa ng Community Support Program sa naturang barangay.

Siya ipinasakamay sa San Mariano Police Station para sa pagsasampa ng kasong frustrated murder.

Ayon kay PO3 Baingan, bago ang insidente ay sinasabi umano ng kinakasama ni Madela sa kanyang anak ang pagseselos nito kay Tagao.

Itinanggi umano ng kinakasama ng suspek na may relasyon sila ng tinagang lolo.