CAUAYAN CITY – Walang nakikitang foul play ang Cauayan City Police Station sa pagpapakamatay ng isang dalagang kasambahay sa kanyang pinaglilingkurang bahay sa Barangay District 2, Cauayan City.
Una nang napaulat na hindi na umabot nang buhay sa ospital ang nagpakamatay na 27 anyos na dalaga na residente ng Barangay Buyon, Cauayan City.
Inihayag ni Ginang Josie Macapinlac, kasamang kasambahay ng dalaga na nagsisigaw siya nang makitang nakabitin sa kisame ang dalaga.
Sinabi ni Ginang Macapinlac na masayahin ang dalaga at sa katunayan ay marami siyang pangarap sa buhay na nais tuparin pangunahin na ang pangingibang bansa upang maibigay ang maginhawang buhay sa pamilya.
Ayon pa sa ginang, 10 taon na niyang kasamang kasambahay ang dalaga kaya hindi niya sukat akalaing magpapakamatay.
Problema sa pinansiyal at sa pamilya ang nakikitang dahilan kayat nagpakamatay ang dalaga dahil una rito ay nagkuwento sa problema sa pamilya.
Nag-iwan ng suicide note ang kasambahay na humihingi ng patawad sa kanyang mga magulang sa kahihiyang dulot ng kanyang pagpapakamatay.
Ito lamang umano ang paraan upang matuldukan ang kanyang pinagdadaanan.
Dinala sa ospital ng Rescue 922 ang dalaga ngunit idineklarang dead on arrival.





