
CAUAYAN CITY – Malubha ang kalagayan sa isang ospital sa Lunsod ng Tuguegarao ng isang dalagita na binaril ng may-ari ng bahay na kanyang inakyat sa pamamagitan ng pagdaan sa bubong sa Samonte, Quezon, Isabela.
Ang menor de edad ay nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa kanyang tiyan matapos barilin ng may-ari ng bahay na si Zacarias Sadoy na nasa kustodiya ngayon ng Quezon Police Station at sasampahan ng kaso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Roberto Valiente, hepe ng Quezon Police Station na agad silang tumugon matapos silang makatanggap ng tawag hinggil sa naganap na pamamaril sa nasabing barangay.
Nasa bubungan pa ang nabaril na menor de edad nang dumating sila at nang bumaba mula sa bubungan ng bahay ay nakita nila ang tama ng bala sa kanyang katawan kaya agad nilang dinala sa Quezon Community Hospital ngunit inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lunsod ng Tuguegarao at isinailalim sa operasyon.
Ayon kay PMaj Valiente, inihayag ng suspek na si Sadoy na habang natutulog siya sa kanyang kuwatro dakong alas dos ng hapon nang marinig niya ang mga yapak sa bubong ng kanilang bahay kaya lumabas siya at nagmasid sa kanilang paligid.
Naghinala siya agad na magnanakaw ang nasa bubong ng kanilang bahay dahil nanakawan na siya noon ng cellphone na nagcha-charge malapit sa kanilang pintuan.
Nagwarning shot umano ng dalawang beses si Sadoy at pinaputukan ng dalawang beses ang naaninag na tao dahil sa hinalang may hawak din siyang baril.
Nakuha ng mga pulis sa pinangyarihan ng pamamaril ang 4 empty shell at 2 bala ng revolver
Nakuha rin sa bubong ng bahay ang isang bag na naiwan ng dalagita na may laman na globes at kutsilyo.
Walang record sa barangay ang menor de edad habang si Sadoy ay nasa kustodiya ng Quezon Police Station at sasampahan ng kaso sa pamamagitan inquest proceedings.




