Nasa pangangalaga na ng DSWD ang 17-anyos na binatilyo na nasa likod ng hinihinalang brutal na pumatay sa isang 16-anyos na grade-10 na babaeng estudyante ng Apayao Science High School (APSCIE).
Nangyari ang krimen sa mismong bahay ng biktima noong Lunes ng umaga, Agosto 25 sa Calog Sur, Abulug, Cagayan.
Ayon sa Abulug Municipal Police Station, nagtamo ng maraming saksak sa mukha, leeg, at likod ang biktima.
Mahaharap ngayon sa dalawang kasong kriminal ang suspek na isinampa sa Provincial Prosecutor Office.
Kabilang dito ang pagpatay at frustrated murder matapos tangkain ng suspek na patayin ang 5-taong gulang na kapatid ng biktima na nasugatan din sa pag-atake.
Nabatid na may nauna nang kasong kinaharap ang suspek noon pang taong 2023 partikular ang Acts of Lasciviousness at Serious Physical Injuries ngunit na-dismiss.
Sinasabing sumailalim rin sa rehabilitasyon ang suspek sa Antipolo ngunit nakatakas.











