--Ads--

Walang nakikitang foul play ang Santiago City Police Station 1 matapos isagawa ang post-mortem examination sa katawan ng dalagita na natagpuan sa ilog na nasasakupan ng Barangay Macalauat, Angadanan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. Andy Atendido, imbestigador ng Santiago City Police Station 1, sinabi niya na noong Disyembre 18 ay iniulat sa kanila ang pagkawala ng dalagita na isang estudyante at residente ng San Andres, Santiago City.

Nagsagawa ang pulisya ng imbestigasyon at doon nakita sa ibabaw ng tulay sa Barangay Buenavista ang cellphone ng biktima. Dahil sa pag-aakalang tumalon ang biktima mula sa tulay, agad na sinimulan ang search and rescue operation sa lugar na malapit sa tulay.

Kahapon, Disyembre 22, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa Angadanan Police Station kaugnay ng pagkakatagpo sa katawan ng isang babae sa ilog na nasasakupan ng Barangay Macalauat, Angadanan, Isabela.

--Ads--

Agad nilang ipinaalam ang impormasyon sa pamilya na personal na nagkumpirma sa pagkakakilanlan ng natagpuang bangkay.

Ayon sa pamilya, tugma ang suot na damit, hikaw, at singsing ng biktima.

Batay sa masusing imbestigasyon ng Police Station 1, hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka ng biktima na magpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay sa hindi pa nabanggit na dahilan, subalit siya ay napigilan ng kanyang kaibigan.

Naihatid pa umano ng kaibigan nito sa kanilang bahay noong gabi ng Disyembre 17, subalit posible umanong matapos umalis ang kaibigan ay itinuloy nito ang pagtalon.