--Ads--

Nasawi ang drayber ng isang modified e-bike at isang pasahero ng tricycle habang malubhang nasugatan ang isa pa matapos magsalpukan ang dalawang sasakyan sa Barangay San Isidro, Ilagan City, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Noralyn Andal, Information Officer ng Ilagan City Component Police Station, magkasalungat ang direksiyong tinatahak ng modified e-bike at tricycle nang maganap ang insidente. Iikot sana pakaliwa ang tricycle upang pumasok sa isang eskinita nang biglang dumating ang mabilis na modified e-bike at bumangga rito.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya at nakuhang CCTV footage, hindi umano nagpapraktis para sa drag racing ang sangkot sa insidente at naglalakbay lamang sa lugar. Gayunman, napag-alaman na wala umanong suot na helmet ang drayber ng modified e-bike.

Nagkaroon na rin ng paunang kasunduan ang magkabilang panig na pag-uusapan ang insidente matapos mailibing ang mga nasawi.

Hindi naman itinuturing na accident-prone ang lugar ng banggaan at ito ay may sapat na ilaw sa gabi.

Samantala, pinaalalahanan ni Andal ang mga motorista na pairalin ang disiplina at ibayong pag-iingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente.

--Ads--