--Ads--

Dalawa ang nasawi habang lima ang nakaligtas sa isang landslide na naganap sa Barangay Bariis, Matnog, Sorsogon pasado alas-dose ng madaling araw noong Enero 17, 2026.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Matnog, natutulog ang pitong katao sa loob ng bahay nang biglang gumuho ang lupa at madaganan ito ng malalaking bato at bahagi ng pader. Magkatabi umano sa higaan ang dalawang nasawi, na parehong nadaganan ng pader at bato.0

Nahirapan ang mga rescuer sa pagkuha ng mga labi ng mga biktima dahil sa bigat ng mga batong tumabon sa bahay. Umabot ng halos limang oras ang retrieval operation, at pasado alas-siyete na ng umaga nang tuluyang makuha ang kanilang mga katawan.

Kinilala ang mga nasawi bilang mag-live-in partner. Ang lalaking biktima ay 23 taong gulang, habang 19 taong gulang naman ang babae, na residente ng Pasig City at nagtatrabaho umano sa may-ari ng bahay.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon ng MDRRMO, lumambot ang lupa sa lugar dahil sa sunod-sunod na pag-ulan nitong mga nagdaang araw, dulot ng shear line, dahilan upang gumuho ang bahagi ng bundok sa likuran ng bahay. Bagama’t may inilagay umanong pader bilang harang, ito rin ang dinaanan at itinulak ng gumuhong bato.

Nilinaw rin ng MDRRMO na hindi malakas ang ulan nang mangyari ang landslide at wala pang direktang epekto ang Bagyong Ada sa bayan ng Matnog. Sa kasalukuyan, pabugso-bugso na lamang ang nararanasang pag-ulan sa lugar habang patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa posibleng banta ng karagdagang pagguho.