CAUAYAN CITY – Labis na nanghihinayang ang mga magulang, kamag-anak, guro at mga kaklase ng isang mag-aaral na humakot ng mga awards sa kanyang pagtatapos ngayong Abril matapos malunod noong Sabado de Gloria sa kanilang pagpipiknik sa Cagayan River.
Labis na nagdadalamhati ngayon ang pamilya ni Carla Jane Maramag ng Dominit, Cauayan City dahil hindi na matutupad ang pangarap niyang maging guro.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sharina Jao, nakakatandang kapatid ni Carla Jane, emosyonal niyang inilarawan ang kapatid na mabait at matalino dahil siya ang number 1 sa kanilang klase sa kanyang pagtatapos ng grade 6.
Aniya, maraming parangal ang nakamit ni Carla Jane sa kanyang pag-aaral sa elementarya kaya marami ang labis na nalulungkot at nanghihinayang sa kanyang biglaang pagpanaw.
Ayon pa kay Gng. Jao, mistulang nagparamdam sa kanya ang mangyayari sa kapatid dahil pinagsabihan niyang huwag maligo sa ilog ngunit hindi nasunod ang kanyang bilin.
Kasama ni Carla Jane na nalunod ang dalawang kaklase at kaibigan na sina Rachel Domingo at Rhea Labog na number 3 noong magtapos sila sa grade six.




