--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawang haligi ng tahanan ang nagbahagi ng kanilang sakripisyo at tagumpay sa pagdiriwang ng Araw ng mga Ama kahapon.

Ibinahagi ni Ginoong Joseph Bantolo isang Overseas Filipino Worker ang kaniyang mga naging paghihirap bilang isang na na may naiwang pamilya dito sa Pilipinas.

Aniya bilang ama ay napakahirap para sa kaniya na malayo sa kaniyang mga anak bilang siya ay nagtatrabaho sa ibayong dagat dahil hindi niya nasubaybayan ang kanilang paglaki.

Ang naging sandalan niya sa paglipas ng panahon ay ang kaniyang katatagan bilang ama na ang nais ay maiahon ang pamilya sa hirap ng buhay.

--Ads--

Payo niya sa mga kagaya niyang ama na huwag palampasin ang pagkakataong makasama ang kanilang mga anak, hangga’t may pagkakataon ay piliting makasama sila dahil ang paglaki ng mga anak ay hindi na susubaybayan ng gaya niyang nasa ibang bansa.

Sa ngayon ay napakalaking tulong na ng social media para sa komunikasyon nila ng kaniyang pamilya dahil ito ang nagiging daan para siya ay ma-update sa mga kaganapan sa buhay ng kaniyang mga anak na malayong malayo noong 1980’s na aabutin pa ng tatlong linggo para lamang matanggap ang mensahe o liham mula sa mahal sa buhay.

Sa kabila ng mga paghihirap ay wala siyang naging pagsisisi sa paglayo sa pamilya dahil binabawi na niya ang mga panahon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pagmamahal sa kaniyang mga apo.

Kaugny nito inihayag naman ni PMaj. Fernando Mallillin ang Hepe ng Ramon Police Station na dahil siya ay alagad ng batas, maraming mga pagkakataong hindi niya nakakasama ang kaniyang pamilya.

Aniya malimit silang hindi nakakauwi at nadedestino sa malalayong lugar dahil sa tawag ng tungkulin.

Mabigat sa kaniyang damdamin bilang ama ang hindi makapunta sa mga mahahalagang okasyon o kaganapan sa buhay ng kaniyang mga anak kaya naman malaking bagay para sa kaniya na nauunawaan nila ang kanyang trabaho.

Sa kabila nito ay sinisikap nila ng kaniyang Misis na mabalanse ang oras sa trabaho at sa kanilang Pamilya.

Ang bukas na komunikasyon ang isa sa naging daan para kahit papaano ay maiparamdam ang presensya niya bilang Ama para sa mga anak.