CAUAYAN CITY – Isinasagawa ngayon ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang Regional Agricultural Congress (ROAC) sa isang pribadong pamantasan sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na tampok sa congress ang mga fresh at processed organic products sa rehiyon.
Aniya, nagtitipun-tipon ngayon ang mga organic practitioner sa rehiyon para sa dalawang araw na aktibidad.
Magkakaroon din ng lecture tungkol sa organic farming at sa pagproseso at pagbebenta ng mga produkto sa pagsasaka gamit ang mga organikong pataba.
May mga instrumento silang binili para matukoy kung ang produkto ay purong organiko.
Ito ay upang maiwasan na maipalusot sa merkado ang mga produkto na may residue ng inorganic fertilizer.
Sinabi ni Regional director Edillo na layunin din ng aktibidad na mapalaganap ang organic farming alinsunod sa Organic Law.
Dapat 5% aniya ng mga magsasaka sa region 2 ang organic farmer.
Sa ngayon ay nasa mahigit 3% pa lamang.
Inanyayahan niya ang mga organic farmer na makiisa sa Regional Agricultural Congress ngayong June 20 hanggang bukas, June 21, 2019.