--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit P400,000 ang halaga ng dalawang bahay na nasunog sa Bangag, lunsod ng Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni SFO1 Darwin  Sampelo, Chief Investigator ng BFP City of Ilagan na ang mga nasunog ay residential houses na pagmamay-ari nina Elizabeth Mariano at Efren Rodolfo na kapwa residente ng naturang barangay.

Nagtatahip ng mais si Emerita Salacup nang makitang may usok sa kamalig ng kanyang kapitbahay ngunit hindi niya pinansin dahil pumasok na siya sa kanilang bahay ngunit sa kanyang muling paglabas ay nakita niyang nasusunog na ang bahay ng kanyang mga kapitbahay kaya nagsisigaw na siya.

Nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima at hindi marinig ang sinisigaw ni Salacup kaya ang isa na nilang kapitbahay ang pumasok sa bahay ng mga nasunugan.

--Ads--

Nakalabas naman ang mga nasa loob ng dalawang bahay na nasunog at walang nasaktan o nasawi sa naturang sunog.

Nasunog ang bahay ni Mariano at bahagya lamang ang pagkasunog ng nakadikit na bahay ni Rodolfo.

Batay sa pagtaya ng BFP Ilagan, aabot sa P400,000 ang halaga ng nasunog na mga bahay.

Nagpaalala si SFO1 Sampelo sa publiko na dapat maging maingat  ngayong mainit ang lagay ng panahon upang makaiwas sa sunog.

Tinig ni SFO1 Darwin Sampelo.