Nalunod ang dalawang bata matapos silang palihim na maligo at lumangoy sa Ilog Pinacanauan sa Brgy. Caligayan, Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinamantala ng dalawang magkapitbahay—isang batang babae na may edad anim at isang batang lalaki na may edad lima—ang pagkawala ng kanilang mga magulang na nagtungo sa bukid upang lumangoy sa ilog.
Ang insidente ay naganap alas-4:00 kahapon, Pebrero 2, 2026.
Aniya, hindi naman karaniwang delikado ang bahagi ng ilog kung saan sila nalunod, subalit posibleng hindi sila marunong lumangoy nang tangkain nilang tumawid.
Unang natagpuan ng mga concerned citizens ang batang babae at agad na dinala sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician. Samantala, ang batang lalaki ay natagpuan na wala nang buhay.
Bahagyang natagalan aniya ang pagresponde ng pulisya at Rescue 881 dahil aabot ng 30–40 minuto ang biyahe patungo sa lugar ng insidente.
Dahil dito, pinayuhan ni PMaj. Aggabao ang publiko na huwag iiwanang walang bantay ang mga bata at paalalahanan silang huwag maligo o pumunta sa ilog nang walang kasama upang maiwasan ang mga aksidente.
Pinaalalahanan din niya ang mga opisyal ng barangay na maglagay ng mga warning signs sa mga ilog upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.











