CAUAYAN CITY – Umabot sa dalawang ektarya ng lupain ang nasunog sa naganap na grass fire sa Napaccu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 2 Jaries Rallen Malupeng, Chief investigator ng Reina Mercedes Fire Station, sinabi niya na inabot sila ng halos apat na oras bago tuluyang naapula ang sunog at limang fire trucks mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Reina Mercedes at Chinese Chamber ang nagtulong tulong sa pagresponde sa sunog.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang imbestigasyon kung ano ang naging sanhi ng pagkasunog ng dalawang ektaryang lupain.
Malaking bagay aniya sa madalas na pagkakatala ng grass fire ay ang kawalan ng ulan at matinding init ng panahon kaya mabilis na kumakalat ang apoy.
Muli naman silang nag-paalala sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog ng basura dahil posible itong maging sanhi ng mas malaking sunog lalo na at tuyong-tuyo na ang mga lupain dahil sa kawalan ng pag-ulan.