Dalawang katao ang inaresto habang pinaghahanap ang isa pa makaraang salakayin ng mga awtordidad sa bisa ng search warrant ang isang bodega na nagsasagawa ng ilegal na pagkakargang LPG sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Inihayag ni Barangay Administrator Regie Pascual, sinabi niya na ang operasyon ay pinangunahan ng CIDG Isabela bilang lead unit kasama ang Cauayan City Police Station at kinatawan ng LPGMA Partylist.
Ang operasyon ay nag-ugat sa ilang mga rekllamo dahil sa kulang na timbang ng LPG mula sa naturang tindahan.
Nakumpiska sa lugar ang isang Isuzu Elf, at 107 cylinders ng iba’t ibang brand ng LPG na tinatayang nagkakahalaga ang lahat ng P600,000.
Aniya hindi ito ang unang beses na naitala ang ganitong iligal na gawain sa Barangat Tagaran dahil nito lamang nagdaang taon isang lalaki ang lubhang nasugatan matapos masabugan ng binabawasan niyang LPG tank.
Sa ginawang inspection natuklasan ang nasa 16 cylinders ang kulang sa timbang.
Sa ngayon dinala na sa CIDG Isabela Field Office ang mga nahuling suspek at nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 155 ng Republic Act 8293 (RA 8293), o Intellectual Property Code of the Philippines ang mga nahuling suspek.











