Naaresto ng mga operatiba ng Jones Municipal Police Station ang dalawang indibidwal dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002 matapos mahuli sa aktong ilegal na pagputol ng puno sa Brgy. Fugu, Jones, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Allan, 29-anyos, may-asawa at isang chainsaw operator; at Delio, 23-anyos, binata at helper, kapwa residente ng nasabing barangay.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng intelligence monitoring ang mga tauhan ng Jones MPS sa loob ng munisipalidad, partikular sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Fugu, habang sakay ng isang pribadong sasakyan, nang marinig nila ang tunog ng chainsaw sa lugar. Agad na tinungo ng mga operatiba ang pinanggagalingan ng tunog upang beripikahin ang insidente.
Sa pagdating sa lugar, naaktuhan ang dalawang suspek na pumuputol ng mga puno ng mahogany. Nang hingan ng kaukulang dokumento at permit, bigo ang mga ito na makapagpakita ng anumang papeles na magpapatunay ng legal na pagputol ng puno at pahintulot sa pagmamay-ari at paggamit ng chainsaw alinsunod sa RA 9175.
Dahil dito, agad silang inaresto at ipinaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawampu’t dalawang piraso ng sawn lumber na may iba’t ibang sukat, dalawang round logs, at isang chainsaw.
Ang mga nakuhang ebidensya ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng insidente sa presensya ng isang Barangay Kagawad ng Brgy. Fugu, bago dinala sa himpilan ng Jones MPS para sa wastong disposisyon.
Sa ngayon inihahanda na ang kasong paglabag sa PD 705 at RA 9175 laban sa mga suspek para sa regular na pagsasampa sa piskalya.











