CAUAYAN CITY- Dalawang lalaki ang naaresto ng mga awtoridad sa Barangay Aggasian, Ilagan City, Isabela dahil sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to Agent of a person in Authority, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Mike Aeron”, 50-anyos , may-asawa, magsasaka ; at “Francis Jade”, 53-anyos , may-asawa, tricycle driver na Kapwa sila residente ng Ilagan City, Isabela.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Ilagan City Police Station (ICCPS), nagsasagawa ng mobile patrol ang mga kapulisan sa kahabaan ng Barangay Fugu patungong Barangay San Antonio nang mapansin nila ang isang puting traysikel na walang ilaw at bumabaybay sa gitna ng kalsada.
Tinangka ng mga pulis na abutan ang traysikel upang paalalahanan ang drayber na buksan ang ilaw, ngunit sa halip na huminto, pinaharurot nito ang sasakyan na agad nagdulot ng hinala sa mga awtoridad.
Agad nila itong sinundan at naharang sa Purok 1, Barangay Aggasian.Pagkababa ng mga kapulisan mula sa kanilang mobile, napansin nila si alyas “Mike Aeron” na may kinukuha mula sa kanyang bag.
Agad siyang pinigilan ng mga pulis at natuklasan ang isang baril sa loob ng naturang bag. Narekober rin ang isang magasin na naglalaman ng limang bala.
Sa isinagawang pagsusuri, natagpuan sa loob ng toolbox ng tricycle ang isang hand grenade.
Sa isinagawang imbentaryo, lumabas na ang baril ay mayroon pang isang nakakabit na magasin na may apat na bala, bukod pa sa isang bala sa chamber.
Dinala sa himpilan ng pulisya nang mga suspek kasama ang mga narekober na ebidensya para sa mas malalim na imbestigasyon at kaukulang disposisyon.











