Arestado ang dalawang lalaking suspek na sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa isinagawang operasyon ng Dinapigue Municipal Police Station sa Brgy. Digumased, Dinapigue, Isabela.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Ric”, 34 anyos, at “Ren”, 36 anyos, na kapwa nahaharap sa paglabag sa Section 263 ng Republic Act 8424 o ang An act amending the National Internal Revenue Code, as amended.
Batay sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang Dinapigue MPS mula sa Barangay Intelligence Network (BIN) hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek na umano’y nagbebenta at namamahagi ng mga kontrabandong sigarilyo sa mga bayan ng Casiguran at Dilasag, Aurora, maging sa Dinapigue, Isabela.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga intel operatiba at naaktuhan ang mga suspek habang nagbebenta ng mga sigarilyong nakapaloob sa mga karton gamit ang isang puting sasakyan.
Nakumpiska mula sa pag-iingat at kontrol ng mga suspek ang sa mga suspek siyam (9) na kahon ng Modern Lights cigarettes, tinatayang nagkakahalaga ng ₱189,000.00, tatlong (3) kahon ng Modern Blue cigarettes, nagkakahalaga ng ₱54,000.00, tatlong (3) kahon ng Two Moon cigarettes, nagkakahalaga ng ₱43,500.00, isang (1) kahon ng T.S. cigarettes, nagkakahalaga ng 14,500.00, isang (1) puting Isuzu NKR truck. Tinatayang umabot sa ₱301,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang pekeng sigarilyo.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa himpilan ng Dinapigue Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.






